Lunes Santo, kinikilala bilang pangalawang araw ng Semana Santa. Sa araw na ito ay isinasagawa ang tradisyon ng pabasa o pagkanta ng pasyon ng Panginoon sa ating Parokya.
Ang Pabasa ay ang pag-awit o pagbasa ng mga deboto sa mahabang pasyon ni Hesukristo na hango mula sa Bibliya ng mga Katoliko Romano. Ang kasaysayang nakapaloob sa epiko ay nagsisimula sa buhay ni Hesus mula nang siya ay bata pa hanggang sa pagkabuhay na muli mula sa pagkamatay kasama na ang kaniyang paghihirap sa Krus ng Kalbaryo.
Ito ay nagaganap sa pamamagitan ng grupo ng mga mang-aawit na kumakanta nang sabay-sabay, maaaring saliw sa luma o bagong kanta na kadalasang sinasamahan ng instrumento. Nang sa gayon, ito ay upang mas masigla ang pagbabasa. Sa kabilang banda, dahil ito ay nakagawian ng mga Katoliko, nagkakaroon ng kooperasyon ang bawat isa tulad na lamang ng pagkakaroon ng kontribusyon para sa pagkain o pagpapahiram ng Poon.
Sa pagpapatuloy ng nakasanayang ito, tunay nga naman na binibigyan tanda ang mga paghihirap at pasakit Niya. Ang paglalaan ng oras ng mga mananampalataya ay simbolo ng sakripisyo at kanilang matibay na pagtitiwala sa Panginoon.
SOURCES:
https://alsina-sa.com/tl/biblia/que-paso-el-lunes-santo-segun-la-biblia.html https://www.facebook.com/legacy/notes/170113626374093/ https://balita.net.ph/2017/03/26/ang-pasyon-at-ang-pabasa/
Article By: Angelyn Dela Cruz
Commentaires