Ngayong Huwebes Santo, ipinagdiriwang ni Hesus ang Huling Hapunan kasama ang kaniyang mga alagad. Ayon sa bibliya, ang Huling Hapunan ay nang makilala ni Jesus ang labindalawang apostol upang magpaalam sa kanila bago ang kaniyang kamatayan.
Ang banal na misa ay pinamunuan ni Reb. Pd. Ferdinand C. Delatado. Sa araw na ito, kabilang ang pagpapakita ng paghuhugas ng paa kagaya na lamang ng ginawa ni Hesukristo sa Kaniyang mga alagad. Ang gumanap bilang mga apostol ay ang miyembro ng Persons With Disabilities o mga taong mayroong kapansanan.
Sa homiliya ni Fr. Ferdie, kaniyang binigyang diin na ang paa ang siyang pinakamaruming bahagi ng katawan sapagkat ito ay ginagamit upang makagawa ng maraming bagay. Samakatwid, nararapat na gamitin ito upang kumilos bilang tugon sa mandato ng Panginoon.
“Sa Huling Hapunan na kapiling ang Panginoon, Siya ay mayroong mandato na tayo’y maglingkod na may kapakumbabaan at pagmamahal.”
Ang Huwebes Santo ay simbolo upang lubos na maunawaan ng mga mananampalataya ang kahalagahan ng paglilingkod sa iba. Ito ay mabisang paalala na nararapat na tayo ay mamuhay bilang mabuting Kristiyano tulad na lamang ng ipinakita ni Hesus.
Article By: Angelyn Dela Cruz
コメント