top of page
Homepage (1).png
mariannearagon8cas

Patuloy na magtiwala, patuloy na maniwala, at patuloy na umasa sa Kaniya

Updated: Mar 25


Nagsimula na ang Semana Santa ngayong ika-24 ng Marso 2024 sa pagdiriwang ng Linggo ng Palaspas. Ang Parokya ng Banal na Mag-anak ay nagsagawa ng prusisyon na nagsimula sa kapilya ng Sto. Rosaryo sa Brgy. Fortune kung saan nakiisa ang mga parokyano at umawit ng Osana ang mga anghel ng Munting Kristo. 


Ang prusisyon ay sinundan ng Banal na Misa sa pangunguna ni Rev. Fr. Fernando Cornejo, kura paroko ng simbahan, at sinimulan niya ang kaniyang homiliya sa pagpapalaganap ng mas akmang tawag sa kasalukuyang pagdiriwang— “Linggo ng Pagpapakasakit ng Panginoon.” 


“Dito natin inaalala at pinagninilayan ang pagdurusa ni Hesus alang-alang sa ating kaligtasan,” ani niya. 


Ang linggong ito ay tanda ng pagdurusa ng katawan at kalooban ni Kristo, isang pag-alala sa pagpatong ng koronang tinik sa kaniyang ulo, pagkapako sa krus, at ang pagtaksil at pag-iwan sa kaniya ng kaniyang mga alagad. 


“At ang pinakamasakit niyang dinanas ay ang naranasan niyang pagdurusa ng kaniyang espirtu o kaluluwa. Iyon bang sa gitna ng kaniyang pagdurusa, pakiramdam niya ay tuluyan siyang iniwanan at tinalikuran ng Ama,” dagdag pa ng pari. 


Gustong ipahiwatig ni Fr. Fhyrdz na pinagdaanan ni Hesus ang lahat ng ito para sambayan at piniling mapawalay at mangulila sa Ama, ipakita lamang sa mga tao na siya ay kanilang kaisa. 


“Sa ganoong paraan niya tayo nililigtas, mga kapatid, na sa gitna ng kaniyang pagdurusa, kahit animo’y iniwan siya ng Ama, hindi siya nawalan ng pag-asa. Patuloy pa rin siyang naniwala,” sabi pa niya. 


Kaya naman sa pagkakataon na nararamdaman ng isang tao na siya ay inabandona at iniwan ng Diyos ay nawa’y maalala si Kristo, na umaakay na magtiwalang makikita muli ang liwanag.


“Hanggat mayroon tayong pinanghahawakan sa Diyos, na siya ay palagi nating kapiling, iyon ang magsisilbing lakas natin para sa ating kinakaharap, at haharapin pang problema sa buhay,” pagtatapos ng pari. 




31 views0 comments

Comments


bottom of page