top of page
Homepage (1).png
Writer's pictureHFP Marikina

Pagninilay: Ito ang aking katawan... Ito ang aking Dugo...


Pagninilay ni Sis. Christine Tecson


Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay nananahan sa akin, at ako'y sa kaniya. -Juan 6:56

Maalala natin nung nakaraang araw ng Linggo ay inilahad sa ating Ebanghelyo ang dakilang pag-ibig ng Dios sa atin sa pamamagitan ng pag-alay Niya ng Kanyang sariling anak upang tayo ay iligtas sa ating mga kasalanan. At itinugon din na makakamtan natin ang pag-ibig at kaligtasaan na ito sa pamamagitan ng PAGTITIWALA, lubos na pagtitiwala sa Dios.

Ngunit sa ating pagtitiwala, papaano nga ba natin matanggap ang pag-ibig na ito? Paano natin matanggap ang anak ng Dios na iniaalay sa Krus? 

Ang sabi ni Hesus, “Ako ang tinapay na buhay na bumabang galing sa langit: kung ang sinoman ay kumain ng tinapay na ito, siya'y mabubuhay magpakailan man: oo at ang tinapay na aking ibibigay ay ang aking laman, sa ikabubuhay ng sanglibutan.” (Juan 6:51) 

Anong tinapay ang tinutukoy Niya? Ano ang dapat nating inumin na sinabi Niya sa kasunod na mga talata? Ito ba ay ordinaryong tinpay lamang na mabibili natin sa isang bakery? Or itong inumin ba ay yung nabibili natin sa grocery store? Hindi! Bagkos sabi niya’y, “Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay may buhay na walang hanggan; at siya'y aking ibabangon sa huling araw.” (Juan 6:54). Kapatid, ang tinapay at inumin ay walang iba kundi ang kanyang laman at dugo! At kung sino man ang kakain ng kanyang laman at iinom ng kanyang dugo ay may buhay na walang hanggan! 

Ngayo’y alam na natin kung ano ang itinutukoy ni Hesus, ang tanong naman ay KAILAN? Kailan natin ito makakain at maiinom? Ang sagot, sa tuwing pinagdiriwang natin ang Banal na Eukaristiya. Sa Huling hapunan ayun sa Mateo 26: 17-30, Marcos 14: 12-26, at Lucas 22: 7-39, itinatag ng Panginoong Hesus ang Banal na Eukaristiya kasama ang kanyang mga apostoles. At hanggang ngayon ay araw-araw na ipinagdiriwang ng ating Simbahan na pinangungunahan ng ating mga kaparian sapagkat sabi niyang gawin natin ito sa pag-alala sa Kanya, 

“This is my body…

This is my blood”

-Luke 22: 19-20

Malinaw na ipinahiwatig ni Hesus sa mga talatang nakasulat sa Ebanghelyo na ang tinapay at inumin sa Banal na Eukaristiya ay ang kanyang laman at dugo. 

Ngayon nama’y maitatanong natin kung ano ang mabuting dulot nito sa atin bilang tagasunod Niya? Ang sabi Niya’y, “Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay nananahan sa akin, at ako'y sa kaniya.” (Juan 6:56). Si Hesus ay mananahanan sa atin kung tayo ay kakain ng Kanyang laman at iinom ng Kanyang dugo. Bibigyan Niya tayo ng buhay na walang hanggan. 

Para sa akin, maswerte tayo dahil tayo ay Katoliko. Sa Simbahang ito ay matatanggap natin ang Banal na Eukaristiya na syang pagpapahayag ng Kanyang lubos na pag-ibig sa atin. Gayunman, kahit tayo ay nakakaranas ng isang pandemya na naging hadlang upang tayo ay makapunta sa ating mga simbahan at matanggap ito, subalit ang ating mga kaparian ay patuloy paring nagdiriwang araw-araw upang maialay at magunita ang Kanyang sakripisyo para sa ating mga kasalanan. Sarado man ang mga pintuan upang tayo ay magsalusalo kasama ang ating kumyunidad ngunit meron tayong internet o mga pamaraan upang tayo pa rin ay makasali at makasabay sa pagdiriwang at matanggap siya sa spiritual na paraan. Totoo, may kaibahan man na di natin siya matanggap sa ating mga bibig. Lalong-lalo na kung di natin Siya matanggap kung tayo ay nahahadlangan ng mortal na kasalanan. Pero dahil mahal tayo ng ating Panginoon, ibinigay niya rin ang Sakramento ng Kumpisal upang tayo ay magbalik-loob sa Kanya at matanggap siyang muli. Nawa’y hindi tayo mawalan nang pag-asa pag ang buhay natin ay binalot ng kadiliman at kalungkutan, ang pag-ibig ng ating Panginoong Hesus ay nasa paligid lamang.

Ngayong araw ng Dakilang Kapistahan ng Corpus Christi, may mga Dioceses na nagbukas nang muli ng kanilang mga pintuan upang makapagdalo ang kumyunidad kahit man sa limitadong bilang ng mga makakapasok. Ngunit ito’y isang malaking pagpapala at senyales ng pag-asang makakabalik din tayong lahat sa normal na pamumuhay, na malaya tayong makapagsamba sa kanya na walang takot na nakapaligid, takot na baka mahawaan at magkahawaan tayo sa sakit na lumalaganap sa ating paligid ngayon. Lakasan lang natin ang ating pagtitiwala sa Kanya at darating din ang araw na pinapangarap nating lahat. Matatanggap din nating muli ang Banal na Eukaristiya. At sana sa araw na ito ay mas maipakita natin sa Kanya ang ating pag-big at lubos na paggalang. Sana pag-aralan natin ang turo ng ating Simbahan ukol sa Banal na Eukaristiya upang mas maintindihan at mapahalagahan natin ito. Sana’y unti-unti nang mawala ang mga kalapastangan nangyayari sa Banal ma Sakramento. 

Kapatid, nawa’y palagi tayong mapaalalahan ng pag-ibig ng Dios sa atin, pag-ibig ng Ama, Anak at ng Espiritu Santo. Sa muli, wag po tayong mawalan ng pag-asa kabila ng ating mga pagsubok sa buhay. Patuloy po tayong sumali sa pagdiriwang ng Banal na Eukaristiya kahit man nasa sariling mga pamamahay pa rin tayo. Patuloy po sana ang ating pagdarasal at pagsamba sa Kanya kasama ang ating Mahal na Inang Maria. 

Maging mapapanatag tayo at magtiwala sa pag-ibig ng Dios sa atin!

MALIGAYANG ARAW NG DAKILANG KAPISTAHAN NG CORPUS CHRISTI!

69 views0 comments

Comments


bottom of page