top of page
Homepage (1).png
Writer's pictureHFP Marikina

Pagninilay: Ikaw ay Mahalaga


“At pagkasumpong ng isang mahalagang perlas, ay yumaon siya at ipinagbili ang lahat niyang tinatangkilik, at binili yaon.”–Matthew 13:46

Sa ating buhay, may mga bagay talagang gustong-gusto nating magkaroon. Kahit man hindi ito isa sa ating mga pangangailangan araw-araw, pero dahil magiging mas masaya tayo kapag meron tayo nito ay ginagawa talaga natin ang lahat upang mapasaatin ito. Kapag tayo rin ay nagmahal, handa nating gawin ang lahat upang makasama at mapalapit sa atin ang taong minamahal natin. 

Sa ebanghelyo natin ngayon, mas madaling ipahiwatig ang mensahe bilang tayo na naghahanap nang bagay o taong kaya nating ilaan ang lahat upang makamit natin an gusto natin. Pwede ring mapatanong tayong, “Nagpapahiwatig ba ito na kailangan kong timbangin sa sarili ko kung nilaan ko na nga ba ang lahat-lahat sa akin alang-alang sa Panginoon?”. Tayo ba ay naging katulad nang isang mangangalakal na sa oras ng kanyang pagkakakita nito ay dali-dali niyang ibenenta ang lahat para lang makuha niya ito.

Ngunit kapatid, hindi ba mas matamis isipin na ang taong mangangalakal pala na nasa parabola ay hindi ang ating sarili kundi ang Panginoong Hesus mismo na inilaan ang Kanyang buhay para sa ating mga kasalanan? Dahil tayo ay mahal ng Dios, ibinigay Niya ang Kanyang bugtong na anak. (Juan 3:16) 

Ngunit sa kabutihang inilaan ng Diyos sa atin, papaano nga ba natin ibinalik ang pag-ibig niya? Katulad ng paglaan ni Jesus ng Kanyang sarili, kaya rin ba nating gawin ang lahat upang matanggap natin ang biyayang ito? Ginagawa ba natin ang lahat ng ating makakaya upang maging karapatdapat tayo sa pagtanggap ng pagmamahal niya? Oo, minsan napapariwara tayo, minsan nalalayo tayo sa Kanya hindi dahil hindi na niya tayo mahal, kundi tayo mismo ang lumayo at nagpakabulag sa mga bagayng nakakaharang sa pag-ibig Niya sa atin. Tayo mismo ang nagtago at naglibing ng ating sarili sa lupa ng kasalanan upang hindi niya tayo madaling mahanap. Ngunit mahal tayo ng Diyos, kahit saan man natin itago ang ating sarili ay makikita’t makikita Niya rin tayo. Ang kailangan lang natin ay ang pagpapaubaya ng ating sarili sa kanya at ilaan din kung ano ang meron tayo. Kapatid, mahal tayo ng Panginoon at hinahanap niya tayo palagi. Subalit gaya rin sa parabola ng isang mangingisda, mahal niya tayo at ninanais man Niyang mapalapit tayo sa Kanya ay binigyan niya din tayo ng pagkukusang loob kung ano ang pipiliin natin. Kung pipiliin man nating maging mabuti o masamang isda sa panahong titipunin na niya tayo ng Kanyang lambat. Pipiliin ba nating mapili upang maisama sa kaharian niya o magiging isa sa mga itatapon. 

Kung dumating o darating man ang araw na tayo ay mapariwara, tandaan din natin na ang Dios ay pag-ibig, maawain at mapagpatawad. Wag mawalan ng pag-asa, lumapit tayong muli sa Kanya’t tayo ay mas madaling makita. Lubos na magagalak ang Diyos kung ang anaknNiyang tinuring na perlas ay mabalik muli sa kanyang kandungan. 

Kung nararamdaman mo ring tila’y walang nagmamahal sayo, ika’y lumapit at laking galak ka niyang yayakapin dahil mahal ka niya. Kapatid, hinahanap ka ng Diyos, wag kang mahiya, lumapit ka sa kanya. Ikaw ay isang perlas, kayaman niyang lubos na minamahal. piliin mo rin sanang mapasakanya.

Mahal ka ng Diyos! 

61 views0 comments

Comentarios


bottom of page