top of page
Homepage (1).png
Writer's pictureHFP Marikina

Pagninilay: "Huwag kayong matakot!"


Pagninilay ni Sis. Christine Tecson


“Huwag kang mangamba, 'di ka nag-iisa Sasamahan kita, saan man magpunta Ika'y mahalaga sa 'King mga mata Minamahal kita, minamahal kita

Ito ay isa sa mga pinakapaborito kong kanta sa Simbahan. Pinapaalala nito sa akin na kahit ano mang mangyari at saan man ako mapunta ay dapat  wag matakot sapagkat nandyan lang ang Dios palagi. Minsan na rin akong nalugmok, minsan na rin akong nanghina, at minsan ko naring kinwestyon ang Dios sa mga nangyayari sa aking buhay. Ngunit sa kabila nang lahat ng ito, hindi Niya ako iniwan kahit isang saglit man lamang.

Dati ni minsa’y di ko pinangarap lumuwas dito sa Maynila. Gusto ko kasi yung simpleng buhay lang, merong tamang trabaho at nagseserbisyo rin sa Simbahan. Pero nagbago ang lahat nung nawala ang aking ina. Mayroong pagbabago sa aking mga pangarap at hangarin sa buhay. Mas nadagdagan ang takot ko. Kung natatakot man akong pumunta rito, mas natatakot akong pumalya at makarinig ng mga criticismo ng mga tao. Natatakot ako ngunit iniisip ko nalang na lahat ng ito ang plano ng Dios at Siya’y may misyong itinalaga sa akin. Lahat ng ito ay nangyayari sa rasong malalaman ko lang kung tatahakin ko ang daan na itinalaga ng Dios upang ako ay matuto at tumubo ayun sa Kanyang kagustohan.

Ang ebanghelyo ngayong araw ay nagpapaalala sa atin sa dakilang pag-ibig ng Dios. Ipinapakita kung gaano tayo kahalaga sa Kanya at pinapa-alalahanang wag matakot sapagkat tayo ay mas mahalaga kaysa maraming maya. Sabi nga ni Hesus, “Hindi baga ipinagbibili ng isang beles ang dalawang maya? at kahit isa sa kanila'y hindi mahuhulog sa lupa kung hindi pahintulot ng inyong Ama: Datapuwa't maging ang mga buhok ng inyong ulo ay pawang bilang na lahat.” (Mateo 10: 29-30) Alam ng Dios ang lahat ng bagay na nangyayari sa bawat segundo ng ating buhay. 

Sa pandemyang hinaharap natin ngayon, alam kong marami sa atin ang nawalan na ng pag-asa, pag-asang nagtatanong kung makakabalik pa ba tayo sa normal na buhay natin. Marami ang nawalan ng hanapbuhay, marami ang nanghihirap, at marami ang namamatay dahil sa sakit na wala pang bakuna. Ngunit kapatid, manalig tayo. Darating ang araw na ang lahat ng ito ay lilipas din. At sa kabila nito, mas lalo nating pangyamanin ang spiritual na aspeto ng ating buhay. Pangalagaan natin ang ating mga kaluluwa sa gitna ng maraming temptasyon na makapagpapalayo sa atin sa Pangioon. Huwag nating hayaan na kasama sa unti-unting paghina ng ating mga katawan ay mas humihina rin ang ating pananalig sa Kanya. Magtiwala tayo.

Bilang isang Katoliko rin, wag tayong matakot ipagtanggol ang Simbahan laban sa mga nagkakamit na sirain ito. Alam nating ipinangako ni Hesus na walang makakasira nito ngunit maaring mas maraming mga tupa ang mangawawala sa pastulan ng Dios kung hahayaan natin silang maingganyo sa mga bulaang propeta. Sabi rin ni Hesus sa ebanghelyo, “Datapuwa't sinomang sa aki'y magkaila sa harap ng mga tao, ay ikakaila ko naman siya sa harap ng aking Ama na nasa langit.” (Mt. 10:33) Ibig sabihin, wag natin Siyang ikaila. Ipalaganap natin ang katotohanan sa Kanya at nang Kanyang Simbahan upang tayo ay kikilalanin Niya sa harap ng Dios Ama. Kung ang kaalaman natin sa turo ng Simbahan ay hindi pa ganuon kayaman, magsigasig tayong mag-aral at matuto. Magtulungan tayong akaying muli ang mga nangawawalang tupa. Huwag tayong matakot!

Kapatid, huwag kang mangamba, hindi ka nag-iisa! 

Maligayang araw ng Linggo at araw ng mga ama!

71 views0 comments

Comments


bottom of page