top of page
Homepage (1).png
Writer's pictureHFP Marikina

Pagninilay: Huwag kang Mangamba



Bilang isang debotong Katoliko at mahilig sumali sa anumang kaganapan ng Simbahan at mga organisasyong para sa akin ay makakatulong hindi lang sa akin kundi sa aking kapwa-Katoliko, palagi akong nasasabihang “Ang sipag mo naman. Ang sigasig mong maglingkod sa Panginoon. Paano mo nagagawa yun? Buti ay hindi ka napapagod?” Ngunit taliwas sa kanilang nalalaman, maraming beses din akong napapagod, maraming beses din akong nalugmok, maraming beses din akong nakain ng kasalanan, nanghihina at nawawalan ng gana. Minsan ko na ring pinag-aalinlanganan ang pag-ibig ng Dios at iniisip na ako’y hindi na karapatdapat na pakinggan at isama sa Kanyang paraiso. Ngunit nandyan din ang Kanyang Simbahan at an gating Mahal na Inang Maria upang paalalahanan akong wag huminto at mawalan ng pag-asa.


Ang ebanghelyo natin ngayon ay nagpapa-alala sa atin na wag mawalan ng pag-asa sa kabila ng mga tanong na pumupugad sa ating mga isipan lalo nga ngayong tayo ay nakararanas ng paghihirap dahil sa pandemya. Subalit pinapaalalahan din tayo na maaaring maging katulad tayo sa ugaling ipinapakita ng mga apostoles na ninanais nilang paalisin ni Hesus ang babaeng Cananea. Sa ating pagiging Kristiyano, saan nga ba tayo sa dalawa? Tayo ba ay katulad ng isang ina na lubos na nagmamahal sa kanyang anak at nagsusumamo kay Hesus ng pauli-ilit hanggang siya ay madinig, o di kaya’y tayo ay ang mga nagnanais na pailisin siya dahil siya ay sunod ng sunod habang umiiyak at nagmamakawa? 


Sa ating pagseserbisyo sa Simbahan, maaari ngang magkaroon tayo ng ugaling ipinapakita ng mga apostoles. Maaaring ipinapakita natin sa karamihan na tayo ay magaling at sumusunod sa mga turo ni Hesus, subalit kapag tayo ay may nakikitang tao na sa tingin natin ay nakakagambala sa ating pangangaral ay dalidali natin silang itinataboy. Mapagmataas! Oo, mapagmataas at napakabilis ang pagkukumpara sa mga katayuan at sabihing hindi ka naayon dito. Malungkot man isipin, ngunit marami, marami ang nagtataglay ng ganitong kaugalian. Maari ring tayo ay katulad ng babeng Cananea. Pero para sa akin, hindi lang ito dapat hanggang maari, ngunit dapat tayong maging katulad ng babaeng ito.

Habang ako ay nakikinig sa homilya ng pari kanina, sumagip sa isip ko ang mga kahirapang dinaranas natin ngayon. Bakit nga ba hanggang ngayon ay hindi pa tayo nakaraos sa pandemya? Bakit bawat buwan ay may nababalitaan tayong trahedya? Bakit ang gulo ng ating paligid? Bakit imbis na gumaan ang mga pinapasan natin ay mas lalo pang nadadagdagan araw-araw. Bakit nga ba? Baka dahil hindi tayo nagkaroon ng lakas ng loob na meron ang babaeng Cananea. Baka dahil masyadong naging pabaya tayo at nakakalimutan nating mas dumulog sa Dios sa ating mga paghihirap. O kaya marahil tayo ay madaling napagod at madaling nawalan ng pag-asa na mapakinggan pa ang ating mga panalangin at magiging maayos ang lahat.


Kapatid, nawa’y maging katulad tayo ng babaeng ito. Mahal natin ang ating mga pamilya at lahat tayo ay nagnanais na maging maayos ang lahat at gumaling ang mga may sakit, kaya wag tayong huminto sa pagdulog kay Hesus dahil Siya ay maaawaing Dios. Kailangan lang nating maging mapagkumbaba sa ating mga panalangin at magsusumamo ng walang humpay. Kasama ng ating Mahal na Inang Maria, manalangin tayo palagi, magiging maayos rin ang lahat.


San Roque, patron ng mga maysakit, sa iyong kapistahan, ipanalangin mo kami!

72 views0 comments

Comments


bottom of page