Noong ika-siyam ng Abril ipinagdiwang natin ang Pasko ng Muling Pagkabuhay ng Panginoon. Isa ito sa mga mahalagang pagdiriwang sapagkat ito ang nagbigay pag-asa ng kaligtasan at buhay na walang hanggan sa pamamagitan ng mga sakripisyo ni Kristo.
Nagsimula ang mga kaganapan sa engkwentro nila Maria at Hesus sa Parang Playground sa ganap na ika-apat ng madaling-araw. Matapos ito ay nagsimula na ang prusisyon pabalik sa simbahan. Pagbalik ng prusisyon sa simbahan ay sinimulan na ang banal na misa ng Pasko ng Muling Pagkabuhay ng Panginoon na pinamunuan ni Rep. Pd. Ferdinand Delatado.
“Paano ka magiging daan ng pagpapala? Paano ka magiging masaya?”
Ang kanyang homilya ay sumentro sa tatlong konsepto: ang Pagsalubong, Salubungan, at Pasalubong.
“Ang biyayang handog ng Pasko ng Muling Pagkabuhay ni Kristo: maging bukas— maging bukas-palad.”
Ang Pagsalubong ay nagpapaalala sa bawat isa na tayo ay maging bukas-palad sa pagtulong sa ating kapwa. Ang Salubungan ang naghihikayat sa bawat isa na bilang isang simbahan, kailangan nating makinig sa tinig ng iba at makisabay sa mga pagbabago sa ating kapaligiran. Ang ikatlo at huling bahagi ay ang Pasalubong, tayo ay isang regalo na mayroong misyon— maging biyaya at maging bukas-palad sa pagtanggap sa iba.
Sa pagtatapos ng kanyang homilya muli niyang ipinaalala na maging biyaya tayo sa iba. Si Kristo’y muling nabuhay at nawa’y makita natin siya sa ating mga buhay.
Article by: Athea Baranda
Comments