top of page
Homepage (1).png
mariannearagon8cas

Ipahayag ang mensahe ng Diyos sa iba nang walang pagkaantala

Updated: Mar 29



Ang Huwebes Santo ay ang paggugunita ng Huling Hapunan bilang paghahanda sa pagkapako ni Hesukristo. Sa araw na ito nais ni Rev. Fr. Fernando (Fhyrdz) Cornejo na maging mabubuting ehemplo ang taumbayan tulad ni Kristo sa mga apostoles. 


“Hindi lamang mensahe ang nirerelay sa atin. Mas lalo pa niya itong pinaunawa dahil pinakita mismo ng ating Panginoon kung paano ito gagawin,” sabi ni Fr. Fhyrdz 


Dagdag pa ng pari na tila’y hindi sapat ang mga salita upang ipahayag ni Hesus ang kaniyang mensahe sapagkat alam Niya na papalapit na ang Kaniyang oras at pagkamatay. 


“Hindi lamang ito pass the message para sa atin, kundi pass the action rin,” ani niya. 


Ayon kay Fr. Fhyrdz, ang paghuhugas ng paa ay nilalayon ni Kristo na maging isang malinaw na larawan na hindi dapat malimutan ng mga alagad at isang gawain na mag-iiwan ng marka hindi lamang sa kanilang mga isip bagkus sa kanila ring mga puso. 


“Di lamang literal na paghuhugas na paa ang nais ipaabot sa atin ng Panginoong Hesukristo. Hindi lamang iyon isang aral tungkol sa kababaang loob o pagpapakumbaba. Higit sa iyon, sagisang iyon ng pagmamahal ng Diyos,” mula kay Fr. Fhyrdz. 


Ngayong Huwebes Santo ay hinihiling ng Kura Paroko na magsilbing instrumento ang mga tao upang ipakita ng Panginoon ang Kaniyang pagpapala sa ibang tao.  


“Magpagamit tayo sa paglago ng kakayahan ng Diyos sa lupa upang maisakatuparan ang Kaniyang nais,” dagdag pa niya.


Kasabay ng homilya ng para ukol kay Hesukristo ay hinihiling rin niya na nawa’y ipagdasal ng mga parokyano ang mga pari upang makapaglingkod tulad ng paglilingkod ni Kristo.


“Huwag po sana kayo panghinaan ng loob. Mas lumapit kayo sa Diyos at ibulong niyo rin kami sa Diyos kung kami man ay nagkakamali at nagkukulang,” dalangin ng pari. 


Matapos ang homiliya ay isinagawa naman ni Fr. Fhyrdz ang paghuhugas ng paa ng labindalawang apostoles na pinunan ng mga miyembro mula sa Basic Ecclestial Community. 


“Nawa’y katulad po ni Kristo ay maging mabuting halimbawa po tayo. Mabuting halimbawa sa tahanan, sa pamilya, sa pamayanan, at sa simbahan. Mabuting halimbawa sa pagmamahal, mabuting halimbawa sa paglilingkod,” pagsasara ni Fr. Fhyrdz. 



28 views0 comments

Комментарии


bottom of page