Ngayong ika-2 ng Abril 2023, ginunita ang Linggo ng Palaspas bilang simula ng mahal na araw.
Kaninang madaling araw, nagkaroon ng prusisyon na nagsimula sa tahanan ng Hermano at Hermana ng ating parokya. Kasama ang ating Kura Paroko Rev. Fr. Ferdinand Delatado, dumaan ang mga parokyano sa iba't-ibang mga istasyon kung saan umawit ng Hosana ang mga anghel mula sa Munting Kristo. Ngunit ano nga ba ang Linggo ng Palaspas?
Ang Linggo ng Palaspas o “Palm Sunday” ay ginugunita sa ika-anim at huling linggo ng panahon ng Mahal na Araw sa kalendaryong Katoliko. Ito ay ipinagdiriwang ng Simbahang Katolika bilang pag-alala sa matagumpay na pagpasok ni Hesus sa Jerusalem bago ang kanyang pagpapakasakit sa kalbaryo. Tinawag itong Linggo ng Palaspas dahil sa mga sanga at dahon ng palma na inilatag ng mga tao sa daraanan ni Hesus habang nakasakay sa isang asno papasok sa Jerusalem.
Sa araw na ito, ang prusisyon ay karaniwang isinasagawa habang hawak ang palaspas sapagkat sinisimbolo nito ang kababaang-loob ng mga Katoliko para kay Jesus. Ito ay sa pamamagitan ng pagsubok na lumakad sa pag-ibig, pagpapatawad, pagbabago, at paglilingkod na makapagdadalisay ng kanilang isip at puso. Samantalang, kinakatawan ng tangkay ng palaspas ang kabutihan at pinal na tagumpay ni Kristo laban sa kamatayan na magaganap sa kanyang muling pagkabuhay sa Linggo ng Pagkabuhay.
Sa pagdiriwang ng Linggo ng Palaspas, ito ang nagsisilbing representasyon ng taos-pusong pagtanggap ng mga Katoliko kay Jesus bilang tagapagligtas, kung kaya’t nararapat na tayo’y magnilay nang mataimtim upang mapagtibay ang pananampalataya Sakaniya.
Mga Sanggunian:
Article By: Angelyn Dela Cruz
Photo By:
Comments