Noong ika-30 ng Marso 2024 ay ipinagdiwang ang Sabado de Gloria, ang araw ng paggugunita ng muling pagkabuhay ni Hesukristo.
"Ito ang pinakadakila sa lahat ng pagdiriwang," sabi ng kura paroko.
Ayon kay Rev. Fr. Fernando 'Fhyrdz' Cornejo na siyang namuno sa banal na misa, ang araw na ito ay higit na importante sa kapaskuhan ng kapanganakan sapagkat ito ang naging tanda na ang araw ng linggo ay naging araw ng Panginoon para sa atin.
“Ito rin ang pangako Niya sa sinumang sa Kaniya ay makikipagkaisa,” ani niya.
Sa homilya ng pari, siya ay nagbigay ng tatlong bilin upang makibahagi sa biyaya ng muling pagkabuhay, dahil para sa mga Kristiyano, hindi ang libingan ang huling hantungan sapagkat ang lahat ay muling niyang bubuhayin at kasama niyang maluluklok sa kaharian ng Ama.
“Una, sundan natin Siya,” mula kay Fr. Fhyrdz.
Hinihiling ni Fr. Fhyrdz na nawa’y sundan ng lahat ang yapak ni Hesus na ipinamalas hindi lamang ang kagandahang loob kundi ang Kaniyang katapatan sa salita, puso, at gawa. Isa man sa pinkamahirap na gawain ang maisakatuparan ang katapatan ngunit ito ay lubos na mahalaga upanag mapagtagumpayan ang kamatayan.
“Ikalawa, itakwil natin ang kasalanan,” dagdag pa niya.
Binigyang diin rin ng pari na iisa lamang ang hantungan ng isang taong patuloy na gumagawa ng kasalanan, at iyon ay ang kadiliman dahil sa pagkakataon na pinili ng isang tao na sumuway sa kalooban Diyos ay pinili niya na ring mamuhay na labag sa kalooban ng Diyos.
“Pangatlo ay panghuli, ang muling pagkabuhay ni Hesus ay simbolo rin ng bagong pag-asa,”
Bilang pagtatapos, naniniwala ang kura paroko na kasabay ng bukang liwayway ay taglay ng bagong araw ang bagong simula, bagong lakas, at nagong pag-asa na siyang mag-uudyok sa Kristiyano na patuloy na lumaban sa mga pagsubok sa buhay.
“Kung ang mga nagkakamali ay binibigyan ng Panginoon ng bagong pagkakataon, ikaw pa kaya na kahit kailan ay hindi bumibitaw ng pananalig sa Kaniya?” pagsasara ni Fr. Fhyrdz.
Sa parehong araw ay malugod ring tinanggap ng Parokya ng Banal na Mag-Anak ang 12 na bagong binyag ng simbahan at isinagawa rin ang muling pagbibinyag sa lahat ng mga parokyano.
Comentarios