Ang pasko ay tungkol sa pagdalaw, paglalakbay, pagbubuntis at panganganak, pero ano nga ba ang “special” dito? Lahat naman ito ay mga ordinaryong bagay. Alam natin na normal lang sa atin ang dumalaw. Madalas tayong lumabas at maglakbay. Natural na makakita tayo ng nagbubuntis, at araw-araw may nanganganak. Ano nga ba ang “special” dito? Ano ba ang meron sa Pasko?
Ang isang ordinaryong bagay ay nagiging espesyal kapag nangialam ang Diyos.
Sila Jose at Maria ay may sariling plano bago at pagkatapos nilang ikasal pero ano ginawa ng Diyos? Nangialam siya. Si Maria ay dinalaw ng anghel Gabriel upang ibalita ang plano ng Diyos, pero ano ang ginawa niya? Sumagot si Maria “mangyari nawa sa akin ayon sa wika mo.” Tinanggap niya ito at siya’y sumunod.
Si Jose na naguguluhan, tinangkang hiwalayan patago si Maria, pero ano ang ginawa ng Diyos? Nangialam siya. Si Jose ay dinalaw din ng anghel at sumunod sa kalooban ng Diyos. Nanatili siya sa tabi ni Maria at tumayo siyang ama ni Hesus dito sa lupa.
Sila ay ‘nakinig at sumunod’ sa plano ng Diyos.
Ang pasko ay hindi lamang tungkol sa pagdalaw, paglalakbay, pagbubuntis at panganganak. Ang pasko ay tungkol sa pangingialam, pagtanggap, pakikinig at pagsunod. Sa kabila ng mga di inaasahang pangyayari at mga problema kanilang kinaharap, sila ay nakinig at sumunod sa Diyos.
Tayo, may mga sarili din tayong plano sa buhay. Makapagtapos ng pag aaral, makahanap ng trabaho, magkaroon ng pamilya, lumago ang business, magkaroon ng promotion at iba pa, pero paano kung baguhin ito ng Diyos? Paano kung mangialam ang Diyos? Papayag ba tayo?
Mga kapatid, hayaan nating mangialam ang Diyos sa ating buhay. Marami tayong gustong gawin at mangyari, pero kung mangingialam ang Diyos, wag natin ito baliwalain. Wag natin ito tignan bilang problema. Wag tayong matatakot. Isuko natin sa Diyos lahat at siya ang bahala. Kung ano man ang ibigay niya, atin itong tanggapin, tayo’y makinig at sumunod sa kalooban ng Diyos. Alam ng Diyos ang kanyang ginagawa at kung ano ang mabuti para sa atin.
Article by Tom Valientes
Comentarios