top of page
Homepage (1).png
tomv889

Alagad ng Kabataan sa Tahanan ng mga Banal



Si Ivan Merz ay isang layko mula sa Croatia na ipinanganak noong Disyembre 16, 1896 bilang nag-iisang anak nina Mario at Teresa Merz.


Sinimulan niya ang kanyang pag-aaral sa Banja Luka at Sarajevo, nagsanay bilang sundalo alinsunod sa kagustuhan ng kanyang mga magulang, at nagpatuloy ng pag-aaral ng Pilosopiya sa Vienna, Austria. Lumaban siya noong Unang Digmaang Pandaigdig kasama ng mga Italyano. Pagkatapos ng digmaan, ipinagpatuloy niya ang kanyang pag-aaral sa Sorbonne University ng Vienna at sa Institute Catholique ng Paris. Nagturo siya ng wika at panitikang Pranses sa Pamantasan ng Zagreb, Croatia, kung saan siya ay naging dalubhasa sa Pilosopiya (Ph.D.).


Sa gitna ng pagiging layko, itinalaga ni Ivan ang kanyang sarili sa kabanalan at sa pamumuhay ng kalinisan (chastity), at inilaan ang kanyang oras sa paglilingkod sa Inang Simbahan. Nagturo at nagsulat siya upang ipahayag ng pananampalataya sa kanyang mga kababayan sa Croatia. Naglingkod siya para sa pagpapanibago at pagpapayaman ng liturhiya sa kanyang bansa, nagtatag ng League of Young Croatian Catholics, at namuno sa Catholic Action sa Croatia.


Pumanaw si Ivan Merz noong ika-10 ng Mayo 1928 sa Zagreb, Croatia sa edad na 32 dahil sa meningitis. Ang kanyang mga labi ay nakahimlay sa Basilica of the Sacred Heart ng Zagreb. Kinikilala siya bilang isa sa mga “Haligi ng Simbahang Katoliko ng Croatia” dahil sa mga mahahalagang kontribusyon niya sa pagpapalaganap ng turo ni Hesukristo lalo na sa mga kabataan.



Idineklarang “Beato” si Ivan Merz ni Papa Juan Pablo II noong ika-22 ng Hunyo 2003, at inihayag bilang ‘Apostol ng mga Kabataan.’ Kinilala ni Papa Benedicto XVI ang buhay at kabanalan ni Ivan Merz nang banggitin niya ito sa kanyang Post-Synodal Apostolic Exhortation ‘Sacramentum Caritatis.’ Inihandog ng mga nasabing Santo Papa si Ivan Merz bilang isang huwaran ng mga Katoliko lalong higit sa pagmamahal at pagdedebosyon sa Banal na Eukaristiya, pagtuturo at paghuhubog sa mga kabataan, at pagiging mabuti at banal na laykong Katoliko.


Malaking ang naitulong ni Dr. Dave Ceasar Dela Cruz, OP, sa pagpapakilala sa buhay at mga gawa ni Blessed Ivan Merz sa bansa nang makipag-ugnayan siya sa postulation na nakabase sa Croatia. Ang layunin ng pakikipag-ugnayan ay sumangguni sa mga gawa ni Blessed Ivan para sa kanyang pag-aaral ng Liturhiya sa Paul VI Institute of Liturgy sa Malaybalay City, Bukidnon. Mula noon, nagkaroon ng regular na komunikasyon sa pagitan ni Dela Cruz at ng Postulator, Fr. Bozidar Nagy, SJ.


Upang magtatag ng magandang ugnayan sa pagitan ng Pilipinas at Croatia sa pagpapakilala kay Blessed Ivan Merz, inanyayahan si Dela Cruz na bumisita sa Roma at Croatia noong Oktubre 2007. Doon ay inaral niya ang buhay at mga gawa ni Blessed Ivan Merz at ang gawain ng Postulation. Pagbalik niya sa Pilipinas, hinirang siya bilang Vice Postulator of the Cause for Canonization of Blessed Ivan Merz na ginawang opisyal sa appointment letter noong Marso 19, 2008.


Taong 2018 nang itatag naman ang Blessed Ivan Merz Reliquarium, isang Roman Catholic Chapel na kinikilala ng obispo ng Diyosesis ng Antipolo. Ang lumang gusali ay binasbasan ni Bishop Francis de Leon (2018) at ang renovated and expanded structure ni Bishop Nolly Buco (2020).


Ang munting kapilyang ito sa Marikina Heights ay nagsisilbing tahanan sa humigit-kumulang 1000 Relics na may kaugnayan sa buhay ni Hesukristo, ng Birheng Maria, ni Blessed Ivan Merz, at ng iba pang mga santo.






Tanyag sa Reliquarium ang piraso ng krus na pinagpakuan kay Hesukristo, at iba pang mga relikya na may kaugnayan sa Kanyang buhay, pagpapakasakit, pagkamatay, at muling pagkabuhay. Matatagpuan din sa Reliquarium ang iba’t ibang relikya na may kaugnayan sa buhay ng Birheng Maria at ni San Jose, bone relics ng 12 Apostles, Mass Vestments at skullcap ni Pope John Paul II, mga relikya nina Blessed Ivan Merz, Padre Pio, Mother Teresa, St. Therese of the Child Jesus, at iba pang mga santo.


Ang mga relikya ng mga santo ay maaari ring anyayahan ng mga simbahan, paaralan, opisina at establisyimento nang libre. Mula 2014 ay ginaganap na ang Tour of Sacred Relics bilang isa sa maraming pamamaraan upang ipalaganap ang Mabuting Balita at ang tawag ng kabanalan.



Maraming pumupunta sa Blessed Ivan Merz Reliquarium upang manalangin at humingi ng tulong mula sa Maykapal sa pamamagitan ng panalangin ng mga santo, lalo na ni Blessed Ivan Merz. Saksi ang munting kapilyang ito sa samu’t saring kwento ng pananampalataya. Mula sa may mga malulubhang karamdaman hanggang sa mga kukuha ng Board Exam, ang lahat ay nakatatagpo ng pagpapala, kapanatagan, at kagalingan sa Reliquarium.


Article by: Marcus Sison

Photos: Blessed Ivan Merz Reliquarium

33 views0 comments

Comments


bottom of page