Paano nga ba natin pinakikitunguhan ang ating kapwa? Ano bang panukat ang ginagamit natin sa kanila? May mga pagkakataon sa ating buhay na ating napupuna ang pagkakamali ng iba. Minsan iniisip natin paano ko ba siya matutulungan upang makita niya ang kanyang mga kamalian. Mga pagkakamali base sa ating sariling panuntunan at pag analisa ng dapat at hindi dapat. Subalit minsan hindi natin nakikita na tayo ay nabubulagan ng ating nararamdaman at hindi natin lubusang nauunawaan ang pinanggagalingan ng ating kapwa kaya’t madali para sa atin ang husgahan ang kanyang mga ginagawa.
Minsan nagiging “self-righteous” tayo, inaakala natin na tayo ay mas mabuti kaysa iba. Ikinokompara natin sila sa atin at sasabihin kung ako siya hindi ko gagawin ang mga bagay na iyan sapagkat iyan ay mali. Madaling magbitaw ng salita laban sa kapwa. Madaling itaas ang sarili at ihambing sa iba ang ating mga nagagawa. Sa ebanghelyo natin ngayong ika 8 linggo sa karaniwang panahon ang mga talinhagang tinuran ng ating Panginoong Jesus ay ang tunay na pagtulong at pag gabay sa kapwa, magsisimula ito sa ating sarili. Sa paglinis sa ating puso at sariling buhay. Sa pagtanggap ng ating mga kamalian at wag mag bulag bulagan sa mga kasalanang ating nagagawa, matutunan nawa nating baguhin ang mga ito. Doon magsisimula ang tunay na pagmamahal. Uusbong sa atin ang natural na pag kalinga sa kapwa. Ito ang magtutulak sa atin upang tanggapin ng buong pagmaamahal ang ating kapwa. Sa gayon sila ay mahihikayat na gumawa ng mabuti dahil napukaw sya sa kabutihang iyong ipinapakita.
by Rowena Rodriguez
Comments